Friday, September 26, 2008

Ang Wikang Filipino






Ang pagsilang ng wika ay nagibibigay buhay sa sibilisasyon. Sa pamamagitan nito, malinaw na nailalarawan ang bawat karanasan at damdamin ng bawat tao. At sa pagkakaroon ng sariling wika ay lubusang naipapahayag ng nakararaming mamamayan ang kanilang kaisipan.
Sa ating bansa, ang wikang pambansa ay itinadhanang tawaging Filipino na nakasaad sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng 1986 Konstitusyon. Ayon dito, "Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino."
Ang pagkakaroon natin ng wikang pambansa ay dumaan sa maraming yugto ng panahon. Nariyang nakisalamuha natin ang wikang Kastila, Ingles at Tsino. Maraming taon ang ating hinintay upang ganap nating makamit ang pagkakaroon ng wikang pambansa. Bigyan din nating halaga ang mga taong nagbigay pugay upang makamit natin ang wikang pambansa na siyang tinatamasa natin ngayon. Ggaya na lang ni Rizal at higit kay Pangulong Manuel L. Quezon, na siya namang tinagurian nating Ama ng Wikang Pambansa. Siya’y nagtagumpay sa pagsusumikap na magkaroon ang bansang ito ng sariling wikang pambansa – ang Filipino.
Ang wikang Filipino ang ginagamit natin tungo sa pambansang kaunlaran. Wikang ating kasangkapan sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino saan mang panig ng Pilipinas.
At sa kabila ng pagkakaroon ng wikang pambansa hindi natin maitatanggi na maraming wika ang ating bansa. Walo ang opisyal opisyan nating wika at umaabot sa 68 ang ibang wikang ginagamit ng maliliit na grupong etniko. Ang wikang kung tawagin ay bernakular na ginagamit upang lubos na maunawaan ang kaisipan at damdamin. Dito sa Visayas, mangilan-ngilan rin ang wikang bernakular na ginagamit sa pang-araw-araw tulad ng Hiligaynon kabilang na ang Ilonggo, Akeanon, Karay-a at iba pa. Nagpapatunay lamang ito na mayaman ang Pilipinas sa paggamit ng wika bagkus, nananaig pa rin ang wikang Filipino.
Ang patuloy na pag-aaral at pagkatuto ng wikang Ingles ay kailangan rin at mahalagang matutuhan. Sa kasulukuyan, ito ang wikang pandaigdig ng kalakalan. Kailangan nating makibagay sa pandaigdigang mundo ng panlipunan, pampulitika at pakikipagkalakalan sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Ingles bilang kasangkapan. Sa kabila nito, nananaig pa rin ang wikang Filipino sa bawat puso ng bawat mamamayang Pilipino. 'Ika nga ng isang dalubwika, "Walang tatamis pa sa kanyang sariling wika."
Walang pinakamahalaga sa sinumang tao kundi ang pagkakaroon ng kamalayan tungkol sa pagkakaisa ng bansa. At bilang bayan, hindi tayo nagkakaroon ng higit na kamalayan kung walang wikang panlahat. Samakatuwid, ang wikang Filipino ang siyang bumubuklod sa mamamayang Pilipino sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ating sariwain ang linya sa tula ni Rizal na pinamagatang Sa Aking Mga Kababata:
"Ang hindi magmahal sa kanyang wika
Mahigit sa hayop at malansang isda
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Ng tulad sa iang tunay na nagpala."
Ang Filipino ay higit nating palawakin at payabungin tungo sa intelekwalisasyon upang patuloy nating kaagapay sa pag-unlad ng bansa at maging epektibong kasangkapan sa pagkakaunawaan ng bawat mamamayang Pilipino.
One national language, Filipino, one country, Philippines; be proud, be one!



“Ang edukasyon ay kapangyarihan. At wika ang susi upang matamo ang kapangyarihang iyon.”
Kapag ang bata ay nag-aral sa isang wikang hindi niya nauunawaan, nilalabag nito ang kanyang karapatan na maging edukado. Itinatadhana ng mga Artikulong 28 at 30 ng Kumbensiyon ng Mga Bansang Nagkakaisa tungkol sa mga Karapatan ng Bata na ang lahat ng bata ay may karapatang maging edukado at kasabay nito ay matuto’t magamit ang wika ng kanyang pamilya.
Ilang buwan na ang nakakaraan, nagharap ako ng panukalang-batas (HB 3719) sa Mababang Kapulungan na nagmumungkahi ng paggamit sa unang wika bilang midyum ng pagtuturo mula sa pre-school hanggang Grade VI. Iminungkahi ko rin ang malakas na pagtuturo ng English at Filipino sa elementarya ngunit bilang hiwalay na aralin at hindi bilang midyum ng pagtuturo.
Para sa akin, ang unang wika o L1 ay ang wikang unang natutuhan ng bata; ang wikang pinagkakakilanlan sa kanya ng iba o ng sarili bilang taal na tagapagsalita; o ang wikang alam na alam niya o pinakamadalas niyang gamitin. Sa ganang akin, anumang wikang natutuhan matapos ang unang wika ay pangalawang wika o L2.
Sa pamamagitan ng paggamit ng L1 ng bata para sa edukasyong primarya, nagsisimula tayo sa kung ano ang alam na nila at ginagawa natin itong hagdan upang umangat ang kanilang kaalaman. Sapagkat pamilyar na ang bata sa kanyang unang wika, madali siyang matutong bumasa at sumulat. Magagamit agad ng bata ang wikang ito upang madagdagan ng mga bagong konsepto ang dati na niyang alam. Maiiwasan ang pagmememorya lamang ng bata nang hindi nauunawaan ang binabasa. Ang istratehiya natin ay hubugin ang kasanayang pangkaisipan, pang-akademiko at pangwika ng bata sa kanilang L1 at ilipat ang kaalamang ito sa mga opisyal na wika ng bansa, ang Ingles at Filipino. Ang dalawang L2 na ito ay dapat iturong mabuti bilang magkahiwalay na mga aralin sa buong antas ng elementarya. Pagtuntong sa hayskul ng batang Pilipino, sapat na ang kanyang natutuhang Ingles at Filipino upang magamit bilang midyum ng pagtuturo.
Ipinakikita ng pananaliksik na ang nag-iisang pinakamahalagang panukat ng tagumpay pang-akademiko sa L2 ay ang pormal na pag-aaral sa L1. Ayon sa ulat nina Ramirez et. al. noong 1991 sa Estados Unidos, ang mga mag-aaral na Latino na tumanggap ng edukasyon sa kanilang wikang kinagisnan ay nakakuha ng higit na mataas na marka kaysa sa mga nag-aral sa ilalim ng programang purong Ingles.
Ito ay pinatototohanan din ng pag-aaral nina Thomas at Collier noong 1997. May mga bata sa Amerika na (a) hindi taal na nagsasalita ng Ingles, at (b) tinuruan ng buong anim na taon sa kanilang L1 bago isinalang sa kurikulum na purong Ingles. Nakakuha ang mga ito ng mga grado na nasa 54th percentile sa buong US, mas mataas kaysa national average. Samantala, ang mga grado niyong mga tinuruan ng isa hanggang tatlong taon sa kanilang L1 o nang walang suporta ng L1 ay umabot lamang ng 11th and 33rd percentile. Natuklasan din sa isang pag-aaral tungkol sa edukasyon sa kinagisnang wika at edukasyong bilingguwal na:

Nakakatulong ang literasiya mula Grade 1 hanggang 3 subalit hindi ito sapat. Nawawala ang magandang epekto ng pangmaikliang pagtuturo sa wikang kinagisnan (1 hanggang 3 taon) pagkatapos ng ikalimang taon.
Ang buong pakinabang sa pangmatagalang pagtuturo sa L1 (6 hanggang 8 taon) ay makikita lamang pagkatapos ng ikasampung taon. Sa panahong iyon, naisulong na ng pagtuturo sa L1 ang pagkatutong pang-akademiko sa L2.
Hindi maganda ang epekto sa pag-unlad na pangkognitibo at pang-akademiko ng bata kapag nahinto ang pag-aaral sa L1.
Ang wala sa panahong paggamit ng L2 ay humahantong sa mababang marka sa literasiya, matematika at siyensiya.
Ang paggamit ng mga wikang lokal sa edukasyon ay hindi magpapahina sa wikang pambansa bagkus lalong magpapalakas at magpapatibay dito. Sa katunayan, ganito talaga ang paraan ng pagpapaunlad ng Filipino na nakasaad sa ating saligang-batas. Ayon dito, ang wikang pambansa ay dapat paunlarin at pagyamanin batay sa mga umiiral at ibang mga wika ng Pilipinas. Ang magkakatuwang na paggamit ng mga wikang lokal, Filipino at Ingles ang magiging daan ng intelektuwalisasyon ng mga wikang iyon upang magamit ang mga ito para sa higit na mataas na pag-isip at mas malawak na larangan.

Ang multilingguwal na edukasyon na nakabatay sa wikang kinagisnan ay mangangailangan ng muling pagsusuri sa kurikulum at ng proseso ng pagtuturo ng mga araling Filipino at English. Dapat isama sa mga iyon ang tungkol sa lokal na kaalaman gaya ng mga sistema ng katutubong kaalaman, kaalamang-bayan, lokal na gramatika at mga panitikan. Dapat ding ituon ang pagbabago sa edukasyong di pormal at sa mga modyul ng pagkatuto ng mga sistema sa alternatibong pagkatuto. Sapagkat ang wika ng edukasyong primarya ay nasa L1, nararapat lamang na ang wika ng eksaminasyon ay nasa wikang iyon din.
Maipagkakapuring ang National Economic Development Authority, ang Kagawaran ng Edukasyon, ang UNESCO National Commission of the Philippines, ang Komisyon sa Wikang Filipino at ang Linguistic Society of the Philippines ay sumusuporta na maisabatas ang panukalang batas na ito.
Umaasa ako na ang pagbabagong ito ay makatutulong upang makaigpaw sa wakas ang mga Pilipino, buhat sa pagiging mga indibiduwal na may mababaw na kasanayan patungo sa may matataas na kasanayan at mga tunay na propesyonal.
(Si Magtanggol Gunigundo I ay kinatawan ng ikalawang distrito ng Valenzuela, Metro Manila sa Mababang Kapulungan at miyembro ng komite sa mas mataas na edukasyon.)











No comments: